Sa Larawan ng Maylikha

I. Pamagat: Sa Larawan ng Maylikha

Mensahe para sa Las Piñas UMC. Agosto 30, 2015.

II. Aralin: Marcos 7:1-7; 14-15; 21-23

Sama-samang nagkatipun-tipon sa kinarooronan ni Jesus ang mga Fariseo at ilang mga guro ng kautusan na nagmula sa Jerusalem. Nakita nila ang ilan sa mga alagad ni Jesus na kumakain ng tinapay na may madungis na mga kamay. Pinulaan nila ang mga alagad. Ito ay sapagkat ang mga Fariseo at lahat ng mga Judio ay hindi kumakain malibang makakapaghugas sila sa natatanging paraan ng kanilang mga kamay. Pinanghahawakan nila ang kaugalian ng mga matanda. Kapag galing sa pamilihang dako, hindi rin sila kumakain nang hindi muna sila naghuhugas ng kanilang sarili. Marami pang ibang mga bagay ang kanilang pinanghahawakan na kanilang tinanggap at sinusunod. Ito ay tulad ng paglubog ng saro, ng banga, ng mga kagamitang tanso at ng mga higaan.

Kayat tinanong siya ng mga Fariseo at ng mga guro ng kautusan. Bakit hindi lumalakad ang mga alagad mo ayon sa mga kaugalian ng mga matanda? Subalit kumakain sila ng tinapay, na hindi naghuhugas sa natatanging paraan ng kanilang mga kamay.

Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Tama ang pagkahayag ni Isaias patungkol sa inyo, mga mapagpaimbabaw. Ito ay gaya ng nasusulat:

Iginagalang ako ng mga taong ito sa pamamagitan
ng kanilang mga labi, ngunit ang kanilang mga
puso ay malayo sa akin. Sinasamba nila ako
nang walang kabuluhan, na nagtuturo ng mga turong utos ng tao.

Ito ay sapagkat iniwanan ninyo ang utos ng Diyos at inyong pinanghawakan ang mga kaugalian ng mga tao tulad ng paglubog sa natatanging paraan ng mga banga at mga saro. Marami pang ganitong mga bagay ang inyong ginagawa.

Muling pinalapit ni Jesus sa kaniya ang napakaraming tao at sinabi niya sa kanila: Makinig kayong lahat sa akin at inyong unawain ang aking mga salita. Ang nagpaparumi sa tao ay hindi ang pumapasok sa kaniya mula sa labas kundi ang lumalabas sa kaniya.

Ito ay sapagkat mula sa loob, sa puso ng tao nagmumula ang masamang kaisipan, mga pangangalunya, mga pakikiapid, mga pagpatay. Mga pagnanakaw, mga pag-iimbot, mga kasamaan, pandaraya, kalibugan, pagkainggit, matang masama, pamumusong, kayabangan at kahangalan. Ang lahat ng kasamaang ito ay nagmumula sa loob at siyang nagpaparumi sa tao.

III. Mga Karagdagang Texto:

Genesis 1:26 (BMBB)

Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Ngayon, likhain natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis. Sila ang mamamahala sa mga isda, sa mga ibon sa himpapawid at sa lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit.”

Psalm 24:1 (BMBB)

Ang buong daigdig at ang lahat ng naroon, ang may-ari’y si Yahweh na ating Panginoon.

IV. Ang Mga Kwento at Pahayag.

Magandang umaga po. Nagpapasalamat ako sa pagkakataong ipinagkatiwala at ipinahiram sa akin upang magbahagi ng salita ng Diyos sa umagang ito. First time ko pong magsimba dito bagamat tumira kami dito sa Las Piñas ng aking pamilya ng ilang buwan. Dito ipinanganak sa Las Piñas ang dalawa kong mga anak bagamat sa Maynila na kami nakatira noong ipinagbubuntis ang aming bunso.

Dalawa ang ibinigay na talata sa akin upang gamiting basehan ng pagbubulay sa umagang ito. Ang sabi sa akin, mamili raw ako. Ang una ay tungkol sa huling bahagi ng unang creation story sa aklat ng Genesis at pagpapahayag kung paano nais likhain ng Diyos ang tao at kung ano ang kanyang layunin para sa kanila. Ang pangalawa naman ay ang pagpapahayag ng isang mananampalataya na ang Diyos ay ang may-ari ng lahat.

Hindi ko alam kung magiging mas madali pero dahil may kaugnayan naman ang dalawang talata, nagpasya akong gamitin na silang parehas.

Ano ang kahulugan para sa ating mga mananampalataya ang turo o paniwalang hinubog tayo ni Yahweh ayon sa kanyang wangis? Ano naman kaya ang mangyayari sa sangnilikha o sangkalikasan kung pababayaan ito ng mga tao? Makakasama ba ito o makakabuti? Ano kaya ang kalagayan ngayon ni Inang Kalikasan kung hindi nangyari ang ika-6 na araw ng paglikha?

Subukan din nating hanapin kung paano magiging makabuluhan ang pahayag ng salmista na ang Diyos ang may-ari ng lahat sa gitna ng ating mga karanasan kagaya ng mga malalakas na mga bagyo at sobra-sobrang init na mga tag-araw gawa ng pagbabago ng panahon o klima; child labor; pagkakalason ng mga ilog at dagat gawa ng mga itinanapong basura ng mga tao pati mga toxic wastes galing sa mga dambuhalang pagawaan at minahan; digmaan o agresyon ng mga mauunlad o malalakas na bansa sa isang banda at pandarayuhan o migration naman sa kabila, ng mga mamamayang mula sa mahihirap na bansa gawa ng mga labanan, kagutuman at kakulangan ng makataong pagtrato.

Siguro, mas makukumpleto ang ating pagbubulay kung hindi natin iiwanan ang aralin natin para sa araw na ito na nagmula sa Mabuting Balita ayon kay Marcos. Ito ay kwento tungkol sa pagpuna ng mga Fariseo kay Hesus dahil napansin nilang hindi naghuhugas ng kamay ang mga alagad bago kumain gaya ng itinuturo ng mga matatanda. Kwento rin ito kung paanong gustong ipaunawa ni Hesus sa kanila na ang kanilang pagsunod sa mga tradisyon ay mapagimbabaw at ang kanilang pagsamba ay walang kabuluhan dahil malayo ang kanilang puso kay Yahweh.

Paano ba nawawalan ng kabuluhan ang pagsamba? Paano nawawalan ng kabuluhan ang ating pahayag na si Yahweh ang may-ari ng lahat? Sa diwa ng Stewardship Month, paano nagiging mapagpaimbabaw ang ating pagiging katiwala ni Yahweh?

V. Ang Biodiversity.

Dahil tungkol sa paglikha at pagmamay-ari ng sanglibutan ang mga binasa natin mula sa Lumang Tipan, maganda siguro kung tignan natin ang kalikasan gamit ang isang katangiang nagpapakita ng kanyang kagandahan at nagpapahayag ng kadakilaan at pagkamalikhain ng Lumikha.

Ang katangiang tinutukoy ko ay ang tinatawag na biodiversity.

Sabihing n’yo nga po – biodiversity!

(pause)

Hindi ko alam kung paano isasalin ang salitang ito sa wikang Filipino pero ang biodiversity, o biological diversity ay ang pagkakaiba-iba ng buhay o anyo ng buhay na matatagpuan sa daigdig. Sukatan ang biodiversity kung malusog ba ang ating habitat o daidig. Mas malusog ang daigdig pag mas-diverse ang ating environment. Ang ibig sabihin, pag mas marami ang pagkakaiba-iba ng nilikha o ng isang specie – halimbawa ng ng mga bacteria, fungus, halaman o hayop (kasama tayong mga tao), mas malaki ang magiging chance na mag s-survive sila laban sa tinatawag na extinction o pagkaubos. Alam natin na ang bawat tao ay iba-iba. Pero bukod sa pagkakaiba natin sa itsura, pisikal na kaanyuan, ugali, nais at lahi, meron din tayong pagkakaiba biologically. Bagamat may pagkakahawig, iba-iba ang ating mga genes kahit pa ang mga magkakamag-anak.

Halimbawa, noong taong 2006 ako po ay na-diagnose na may type 2 diabetes. Ang diabetes ay isang uri ng sakit na maaaring makuha ng kahit na anong mammal (kasama ang tao) na may pancreas o lapay. May dalawang uri ng diabetes – ang type 1 at ang type 2. Sa pagkakaalam ko, mas mahirap ang type 1 diabetes at noon pag mayroon ka nitong uri ng sakit na ito, para na ring may taning ang buhay mo. Siguro, kung hindi pa natuklasan ng tao kung paano c-control-in ang sakit na ito, malamang wala nang tao ang may diabetes ngayon kasi, ma e-extinct na kami. Pero hindi lahat ng nilalang ay mammals (o hayop na nagpapasuso) at hindi rin lahat ng mammals ay may pancreas. Sa mga tao naman, bagamat lahat tayo ay may lapay, alam natin na hindi lahat ay nagkakaroon ng diabetes. Minana ko ang diabetes sa aking mga magulang pero sa aming pamilya, mas mahilig kumain ng matamis ang aking kapatid kaysa sa akin, pero dahil biodiverse kami hindi kami parehong nagkaroon nito. Siguro later.

Kaya kung iisipin, maganda ang biodiversity. Mabuti na magkakaiba tayo dahil hindi lahat tayo ay sabay-sabay na vulnerable sa iisang sakit o kahinaan. At dahil nga ang biodiversity ay isang mahalagang katangian ng kalikasan, kung gusto nating maging mabuting katiwala ng likha ni Yahweh, maaari tayong mag focus ng ating pag-e-evaluate at intervention dito. Kilalanin natin ang biodiversity at pangalagaan natin ito upang manatiling diverse ang ating kapaligiran at mga pamayanan. Kung tatanungin ninyo kung bakit nadamay pati ang pamayanan, mamaya ipapaliwanag ko kung bakit. Pero sa ngayon, sa kapaligiran muna tayo.

VI. Ang Pamamahala ng Kalikasan.

Sa tingin ko, may kinalaman ang binasa nating teksto kung bakit na c-compromise ang biodiversity ng ating kapaligiran. Basahin natin ulit ang nasa Genesis 1:26, “Ngayon, likhain natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis. Sila ang mamamahala sa mga isda, sa mga ibon sa himpapawid at sa lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit.”

Sobrang proud tayo pag na-affirm tayo ng talatang ito. Ayon sa kwento, tayong mga tao ang kaisaisang nilalang na nilikha ng Diyos ayon sa kanyang wangis o larawan. Ibig sabihin, lamang tayo sa iba. Mas mataas ang tingin natin sa ating mga sarili kung ikukumpara sa mga bato, tubig, halaman, isda at iba pang mga hayop. Dagdag pa rito, ipinagmamalaki rin nating mga tao na tayo lang ang nilikha ng Diyos sa pamamagitan ng paghubog gamit ang kanyang mga kamay.

Bukod tangi tayo. Lamang tayo. Mas mataas tayo. Mas mahalaga tayo kaysa sa iba. Mukhang madalas, yan ang paniniwala at kaisipang naipapasa sa atin habang binabasa natin ang kwento ng paglikha. Kaya imbes na isipin nating mayroon tayong mabigat na pananagutan bilang katiwala, mas inuuna pa nating (open quote) “gamitin” (close quote) ang mga nilikhang “mas mababa” (open at close quote ulit) kaysa sa atin upang sundin ang mga layaw natin kapalit ang pagkasira nila.

Halimbawa, sabi ni Manuel Pangilinan sa isang mining forum noong 2012, ang isang tipikal na cell phone ay naglalaman ng 24 mgs na ginto, 250 mgs na pilak, 3,800 mgs na cobalt at 9 mgs na palladium. Binanggit niya ang mga katotohanang ito dahil nais niyang ipakita sa mga nakikinig sa nasabing forum kung gaano kahalaga ang mga minahan sa buhay ng tao. Mahalaga ito dahil kung walang minahan, walang cell phone. Eh ano ngayon kung walang cell phone? Fatal ba yun?

Sige, sabihin at tanggapin natin na totoong mahalaga ang cell phone. Pero isipin naman natin kung paanong nilalason ng mga minahan ang mga bundok, ilog at karagatan para makakuha ng sapat na mga mineral sa paggawa ng cell phone. Totoo na marami sa atin ay hindi pwedeng walang cell phone – pero ilang cell phone ba talaga ang kailangan ng isang tao at gaano kadalas dapat magpalit? Tuwing magpapalit o bibili tayo ng cell phone, baka pwedeng isipin naman natin, hindi lang kung ano ang bagong model ang gusto nating bilhin, kundi pati na rin ang nasisirang kapaligiran sa bawat ginto, pilak at iba pang mineral na kailangang kunin sa mga minahan. Baka pwedeng idagdag na rin natin sa pag-e-evaluate kung sino sa mga gumagawa ng cell phone ang may mataas na paggalang sa kalikasan at mga pamayanan kasama ang kanilang mga manggagawa.

Kung gagayahin kaya natin ang ginawa ng mga Fariseo at isusumbong natin kay Hesus ang ating pastor dahil luma ang cell phone niya at nakakahiyang makita ito lalo na ng mga hindi miyembro dahil hindi ito mabuting patotoo ng biyaya o blessing ng Diyos sa buhay niya – mag-aalala kaya si Hesus?

Pero cell phone pa lang yan. Paano na pag sinukat natin ang environmental footprint ng mga mas malalaking gadget at iba’t ibang makikinang na bagay na gustung-gusto nating bilhin o ariin. Mga computer, laptop, tablet na napakabilis ma-obsolete kaya mabilis din natin pinapalitan. Kotse na patuloy na nagpapasikip sa mga lansangan ng Metro Manila. Air conditioning na bagamat nakakapagpalamig ng maliliit na kwarto ay gumagamit naman ng kuryenteng madalas ay galing sa mga plantang pinapatakbo ng coal o karbon na sumisira sa ating kapaligiran partikular ang hangin at tubig. Disposable na styro at plastic na halos araw-araw nating ginagamit at tinatapon kasi, nakakapagod magluto ng sariling pagkain o maghugas ng pinagkainan. Styro at plastic na kadalasan ay hindi nabubulok kaya nagiging microplastic at napupunta sa tubig na lalason at sisira sa biodiversity ng mga ilog at karagatan.

Siguro, kung sumama kayo sa coastal clean-up noong ika-6 ng Hunyo o sa tree planting kahapon, mayroon na kayong clue kung gaano kalupit sa kalikasan ang mga basurang ito. Mga basurang nagbigay ng convenience sa mga taong nilikha ayon sa wangis ng Diyos. Mga taong mas maganda at matalino raw kaysa sa mga hayop at halaman. Mga taong very good daw ang pagkakalikha. Mga taong sobra-sobra kung gumamit ng likas na yaman dahil paniwala niya – siya ang pinakamahalaga at pinakamataas sa lahat ng nilalang. Ito ba talaga ang nais ituro sa atin ng ating teksto? Ang samantalahin ang lakas at kapangyarihan natin laban sa ibang nilalang dahil sa atin sila ipinaubaya at tama lang na maging convenient ang ating mga buhay kahit ang kalabasan nito ay ang pagkasira o pagkamatay ng iba?

Sa kwentong ating binasa mula kay Marcos, nag-quote si Hesus mula kay Propeta Isaias kung saan sinasabi ng Diyos na, “Sinasamba nila ako nang walang kabuluhan, na nagtuturo ng mga turong utos ng tao”. Dugtong pa ni Hesus na, “ang nagpaparumi sa tao ay hindi ang pumapasok sa kaniya mula sa labas kung ang lumalabas sa kaniya”.

Kung ilalagay natin ang ating mga sarili sa katauhan ng mga Fariseo, bilang mga mananampalataya, sa paanong paraan kaya natin sinasamba si Yahweh ng walang kabuluhan at alin kaya sa mga itinuturo natin ang turong utos ng tao? Bilang mga taong pinagkatiwalaan ng Diyos na mangalaga ng kanyang nilikha, anu-ano na ba ang mga (open quote) “lumabas” (close quote) sa atin na nagpaparumi sa atin?

Tignan na lang natin ang sinasabi nating development o kaunlaran. Madali at mabilis na nating nagagawa ang maraming mga bagay. Mabilis nang mag byahe (kung hindi mabigat ang traffic). Mabilis nang magpadala ng mga mensahe at mag-share ng mga kaisipan, balita at larawan. Mabilis nang maghanap ng impormasyon at mag research. Madali at mabilis na ring magluto at magkanaw ng kape, magluto ng noodles, magluto ng kare-kare, kalderata at iba’t iba pang ulam na dati ay mga expert lang sa kusina ang may nakakagawa.

Totoo na napabilis at napadali ng teknolohiya ang maraming mga bagay. Na-d-develop ang ating mga pamayanan; gumagaan ang marami sa ating mga gawain; at para sa akin, ang pinakamagandang ginawa ng mga makabagong pamamaraan ay ang pag-unlad ng tao sa larangan ng medisina. Marami nang na-develop na vaccine, naunawaan at natutunan na nating gamutin ang iba’t ibang uri ng sakit. Mas nauunawaan na rin natin ang down syndrome, autism, mental retardation at marami pang mga special conditions ng human brain at human behavior. Pero nagtataka ako. Nagtataka ako dahil sa kabila ng mas mabilis na tayong makakapag-produce ng pagkain, bakit kaya marami pa rin ang kulang sa nutrisyon at namamatay dahil sa gutom? Kahit marunong na tayong mag-ipon ng tubig gamit ang mga dambuhalang dam, bakit kaya marami pa rin ang hirap makakuha ng malinis na tubig? Bakit kaya sa kabila ng advancement sa medical technology ay marami pa rin ang mga may sakit na hindi nakakatanggap ng sapat na gamot at kalinga?

Hindi rin natin maaaring maipagkaila na kakambal ng mga tinatawag nating development ay ang pagdumi ng hangin, patuloy na paglason sa karagatan at pagkasira ng kabundukan. Sa madaling salita, ang kaunlaran na ipinagmamalaki ng tao na “lumabas sa kanyang puso” ay ang mismong sumisira sa likha ni Yahweh na ipinagkatiwala sa atin.

Hindi ko naman sinasabing masama o walang naitutulong ang development. Malaki ang naitulong ng mga cell phones, computers at Internet sa mga nakaraang krisis at disasters at mahalaga ang availability ng iba’t ibang communications technology sa inaasahan pang mga sakuna. Kailangan ng air conditioning para mag-survive ang mga taong nakatira sa mga lugar na sobrang init o sobrang lamig ng klima. Ang mabibilis na sasakyan at maluluwag na daan (kung meron) kasama ng mga makabagong pamamaraan sa pagdadala ng mga kalakal gaya ng paggamit ng refregirated na mga containers at truck ay makakatulong upang makarating ng mas mabilis at mas sariwa ang mga pagkain sa mga taong malalayo sa bukid o tabing-dagat. Pero sa kabila ng mga nakamamanghang katangian ng kaunlaran, ang paborito ko pa ring tanong pag ito ang pinag-uusapan ay, “para kanino?” Para kanino ba ang kaunlaran?

VII. Ang Kaunlaran at ang Kalagayan ng Kapwa

Kung malayo na nga ang narating natin sa larangan ng kaunlaran, hindi ba nararapat lang asahan na dapat, maganda na rin ang buhay ng mga tao? Pagkatapos masira ang malaking bahagi ng mga gubat, tubig, bundok at hangin para pagandahin at pagaanin ang buhay ng tao, masasabi ba nating talagang naging maganda na nga ang buhay natin?

Ayon sa United Nations sa kanilang pinakahuling ulat para sa Millenium Development Goals (o MDG) project, may mahigit 800 milyong tao ngayon ang nabubuhay sa matinding kahirapan o extreme poverty. Malaking kabawasan ito kung ikukumpara sa halos 2 bilyon noong taong 1990, pero huwag nating kakalimutan na ang sinasabing nasa extreme poverty ng UN ay ang mga taong nabubuhay ng mas maliit sa US$ 1.25 o wala pang 60-piso kada-araw kung gagamitin natin ang pangkasalukuyang palitan ng piso sa dolyar. Bagamat malaki ang nagawa ng MDG sa pagbabawas ng kahirapan, alam natin na malayung-malayo pa tayo sa ating layunin na pagkakaroon ng buhay na kasiya-siya para sa lahat ng tao. Pagkain at tubig pa lang, kapus na kapos na, paano pa ang buhay na nararapat para sa lahat ng nilalang ng Diyos ayon sa kanyang wangis.

Dito sa Pilipinas, mahigit 6 na libong mga Pilipino ang umaalis araw-araw papunta sa ibang bansa dahil sa kahirapan at marami sa kanila ang nagiging biktima ng human trafficking, drug trafficking at iba’t ibang kaso ng pang-aabuso gaya ng white slavery. Maraming bata ang hindi makapag-aral at madalas ay nasa mga lansangan dahil sa kawalan ng maayos na tahanan at sa pangangailangang maghanap-buhay sa kabila ng murang edad. Napakahaba ng pila sa NBI araw-araw dahil hindi binibigyan ng permanente at disenteng trabaho ang marami sa mga Pilipinong manggagawa. Mahirap na ngang maghanap, minsan kung hindi man madalas ay delikado pa ang lugar na pinag t-trabahuhan kagaya ng ilang pagawaan tulad ng sa Kentex. Sa mga rural areas naman, parami ng parami ang mga katutubong pinagkakaitan ng mapayapang pamumuhay dahil inaagaw ang kanilang lupain ng mga development projects gaya ng mga minahan at mga dam. Ang nakakalungkot, ang pamahalaan pa mismo ang tumutugis sa ating mga kapatid na lumad upang tuluyan na nilang lisanin ang kanilang lupang ninuno.

Idagdag pa natin ang mga digmaan. Digmaan upang ma-control ng iilan ang supply ng pagkain at langis na pinagkukunan ng energy na mahalaga sa patuloy na pagsusulong ng sinasabi nilang kaunlaran. Huwag din nating ipagkaila na may mga digmaang naganap at nagaganap dahil sa pagmamahal at paggalang sa diyos na kinikilala at pinaniniwalaan. Ilan na kaya ang pinatay ng mga digmaan? Ilan pang mga magulang, anak, kapatid at kaibigan ang kinakailangang mag-alay ng buhay bago natin tanggapin ang sinabi ni Hesus na ang lahat ng kasamaan ay nagmumula sa loob at siyang nagpaparumi sa atin mga tao.

Itatanong ko ulit at sana magpatuloy ang ating pagbubulay-bulay sa tanong na, “para kanino ang kaunlaran?” Habang patuloy nating sinisira ang kapaligiran, sino nga ba ang totoong nakikinabang? Habang patuloy na nasisira ang buhay at pamumuhay ng maraming pamayanan, sino kaya ang makikinabang? Bilang mga Kristiyano, magpapasalamat ba tayo dahil marami sa atin dito ang nabibiyayaan ng maganda at maayos na buhay dulot ng development habang ang marami sa ating kapwa ay patuloy na pinagkakaitan ng makataong pamumuhay?

Kung makikita kaya ng Diyos ang kalagayan ng mga gubat, ilog at dagat; maaamoy ang usok galing sa mga pagawaan at mga sasakyan; at masasaksihan ang buhay ng mga taong namamatay sa gutom, sakit at digmaan tatanggapin pa kaya niya ang papuri na ikinakanta, ipinagdiriwang at ipinagmamalaki ng lahat ng mga mananampalataya na siya ang may-ari ng lahat?

Ginagamit ba natin ang kaunlaran upang maghugas ng mga kamay? Ang sabi ni Hesus, hindi raw nagpaparumi sa tao ang pumapasok sa kaniya kundi ang lumabas sa kaniya. Sa paanong paraan at sa anong larangan kaya tayo dapat umunlad upang lumabas mula sa atin ang pagsambang tatanggapin ni Yahweh? Paano natin palalalimin ang ating pagiging katiwala upang hindi tayo maging mapagimbabaw at matutunang igalang ang Diyos ng buong puso at hindi sa pamamagitan ng ating mga labi? Patuloy tayong magbulay.

Amen.

Advertisements

One thought on “Sa Larawan ng Maylikha

  1. floydbc Post author

    Reblogged this on My Freedom Wall and commented:

    Kung malayo na nga ang narating natin sa larangan ng kaunlaran, hindi ba nararapat lang asahan na dapat, maganda na rin ang buhay ng mga tao? Pagkatapos masira ang malaking bahagi ng mga gubat, tubig, bundok at hangin para pagandahin at pagaanin ang buhay ng tao, masasabi ba nating talagang naging maganda na nga ang buhay natin?

    Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s